MANG PEDRING
Iika-ika ka na maglakad.
Bingi at malabo ang mata.
Mali-mali na ang iyong tawag
Sa sarili mong mga anak.
Pero tuwing sila’y uuwi
Ika’y nasa harapan ng kawali.
Nagluluto ng adobo.
Naggigisa ng munggo.
Nagpapaksiw ng bangus.
Mula Bicol ika’y umalis,
Umangkas, nag-road trip.
Napadpad sa Avenida
Para magtrabaho.
Naging tindero, waiter,
Kusinero, factory worker
Asawa, ama, lolo.
‘Di pa man tumitilaok ang manok,
Gising na ang iyong diwa.
Bumibiyahe, namamalengke…
Bitbit ang dalawang bayong
Bago pa sumirit ang araw.
Pandesal at mantikilya
pritong ham, ma ling at itlog
Tsamporado, sopas, palabok,
Lahat iyong niluto’t sinubok.
Anim ang napagtapos
Ng karinderya ni Mang Pedring.
Wala na ang sopas,
Madalang na ang paksiw,
Pero tuloy ang adobo.
Sa tuwing sila’y uuwi,
Ika’y nasa harapan ng kawali.
****
may sakit na prostate cancer ang tatay ko. dalawang taon na ang nakalipas nang sumailalim siya sa isang operasyon at radiation therapy para puksain ang mga cancer cells.
pero matigas ang ulo ni tatay. matapos ang radiation, hindi na siya uminom ng gamot. hindi na nagpa-check up. wala raw siyang sakit.
pero alam niyang meron siya ng sakit na ikinamatay ni raul roco. madalas niyang sabihin ito, na pinabayaan daw ni raul roco ang sakit niya kaya siya namatay.
makalipas ang dalawang taon, dumaing si tatay kay ate. sabi niya masakit daw ang abdomen niya. agad naming pinag-laboratory test.
true enough, mataas ang Prostate Specific Antigen (PSA) level niya. ito iyung isa sa mga ginagamit na measurement ng doctor sa pamamaga ng prostate ng isang matandang lalaki. sakit kasi ng mga kuwarenta paitaas na lalaki ang prostate cancer.
ang PSA level ng tatay ko, 32. ang normal level lang dapat ng PSA sa isang lalaki, 0-4.ang taas di ba?
kanina sinamahan namin si tatay sa doktor niya. ang sabi ng doktor, kailangan daw siyang ipa-bone scan at ultrasound para malaman kung gaano na kumalat ang cancer cells sa katawan niya.
sabi pa ng doktor sa ate ko, hindi na raw puwede pang operahan si tatay, o i-radiation therapy, o i-chemotherapy. matanda na raw si tatay para dumaan pa sa mga ganung proseso. ang tanging paraan, oral meds. na hindi nga sinusunod ni tatay.
plano ko sana dalhin sila ng nanay ko sa hong kong. makapagbakasyon man lang sa ibang bansa kahit sandali lang. nawalan ako ng trabaho, at iyung separation pay na makukuha ko, plano ko sana gastusin para sa kanilang bakasyon.
pero mukhang kailangan muna namin ipagpaliban ang bakasyon. dahil kailangan namin ngayon ng pera.
5k ang aabutin ng presyo ng gamot ni tatay kada buwan. si nanay din pala, may sakit, at maraming iinuming gamot. sa kanya naman, 4k. para sa thyroid problem, highblood at sugar level niya. diabetic kasi si nanay.
wala akong trabaho ngayon. ibig sabihin, walang pumapasok na pera.
hindi ako natatakot. kinakabahan lang. worried. hindi ko alam.
kanina, naiiyak ako habang kasama ko tatay ko sa taxi. pero pinigilan ko sarili kong maiyak. hindi dapat ngayon ang panahon para umiyak.
gusto kong magtext sa mga malalapit kong kaibigan. pero feeling ko abusado na ako sa paghingi ng panalangin nila.
gusto ko na lang matulog muna. pero hindi ako makatulog.
gusto kong tumakbo. nang malayong-malayo. sa pagtakbo kasi, hindi ko kailangan mag-isip. kapag tumatakbo ako, parang wala akong pakialam sa mundo. wala akong pakialam kahit kanino.
Lord, alam kong incoherent ako ngayon. ‘di ako makapag-isip ng matino. ayoko actually mag-isip.
Lord, pagpray mo ko. oo, hinihingi kong ipagdasal mo ako sa sarili Mo. kasi nahihiya na ako sa ibang tao manghingi ng dasal. kasi kahit ako, hindi ko masabi kung ano ang gusto kong ipagdasal sa iyo.
gusto ko lang gumaling na ang tatay ko.pati ang nanay ko. sama mo na rin pati kuya ko na mataas din ang PSA level.
Lord, alam kong nandiyan Ka lang. nakikinig. nakatingin sa akin. nagsusumamo ako Lord.
Ikaw na ang bahala sa amin.
Posted in Uncategorized
Recent Comments